Dugo sa Bukang – Liwayway

Rogelio Sicat

University of the Philippine Press, 1989

 

 

BUOD:

 

Nahahati ito sa tatlong bahagi:

1. Isang Peregrinasyon – Nagsimula ito kay Tano, isang magsasaka, at ang manganganak na asawa nitong si Melang. Anak nila si Simon, ang pangunahing tauhan sa nobela. Namatay si Melang ng isilang nito si Simon sa kadahilanang ipinagkait ng mga Borja, ang pinakamayaman sa kanilang nayon, ang automobil na hinihiram ni Tano upang maidala sana ang nagdidiliryong asawa sa hospital. Labis na dinamdam ni Tano ang pagkamatay ng asawa kung kaya’t iniwan nito ang nayon at nanirahan sa bukid kasama ang anak.

2. Pagtakas – Muling nagbalik si Tano sa nayon ng malaman niya na mayroon siyang karamdaman – ang pagsuka ng dugo. Dito siya namatay at labis itong ikinalungkot ni Simon. Nag-aral at kumayod siya sa Maynila sa tulong na rin ng dalawa niyang kaibigan, si Duardo at Ador. Sa pagbalik nito sa nayon ay nadatnan niya ang pagkababoy sa puntod ng kanyang mga magulang, tinabunan iyon ng ipa sapagkat nabili na ng mga Borja ang lupang pinaglibingan ng mga magulang nito. Iniwan niya ang kanyang nayon dala ang poot, muhi at ang pangakong paghihiganti.

3. Pagbabalik – Nagbalik si Simon matapos ang matagal na panahon. Naisakatuparan niya ang pangakong paghihiganti. Kinalaban niya ang negosyo ng mga Borja at pinabagsak iyon. Ngunit sa kabila ng pinili niyang obligasyon, Hindi niya kinalimutan ang sariling bayan. Pinagpatayo niya ito ng iskuwelahan para sa mga magsasaka at tinulungan niya ang kaibigan, si Ador, na lumaban sa pagka alkalde ng kanilang nayon sapagkat hindi naging makatarungan ang pamumuno ng Borja. Ramdam na ang pagkatalo, walang babalang binaril ni Alejandro Borja si Simon ng gabing nagtatalumpati ito sa harap ng maraming tao.

 

 

Ipinakikita ng nobelang ito ang kahalagahan ng edukasyon. Nais ng awtor na magbago ang maling pananaw ng mga magsasaka na “ Ang pagsasaka ay hindi itinuturo sa paaralan, kundi natututuhan sa bukid”. Marami sa mga ito ang hindi tinatapos ang pag-aaral. Matuto lang bumasa at sumulat ay ayos na. Naipakita rin dito ang kawalang katarungan sa ating bansa ( “ Ang hukom ay nabubusalan ng mga mayayaman.” ) , kagaya na lamang ng pagkamkam ng mga maykapangyarihan sa mga sakahan na matagal ng ina-araro ng mga kaawa-awang magsasaka. Pinahihirapan at inaabuso ng mga may-ari ng bukid ang kanilang mga kasama.

 

 

SETTING:

 

Ang setting ng nobela, ang bayan ng San Roque, ay gumanap ng isang napakahalagang papel. Inihahayag nito ang gawaan ng mga magsasaka – ang kabukiran. Mahalaga rin ang mga deskripsyon ng awtor sa setting upang lubos na maiguhit ng mambabasa sa kanilang isipan at para makaugnay sila sa nobela lalung lalo na sa mga mambabasang hindi pa nakararating o nakaoobserba ng mga magsasaka. Ito ang dahilan kung bakit ito ang napili kong rebyuhin kaysa ibang akda. Sapagkat tulad ng awtor, lumaki rin ako sa kabukiran. Naobserbahan ko na ang isang magsasaka. May ilang ideya rin ako sapagkat may bukid ang aking ama. Alam kong mahirap maging isang magsasaka lalo na kung isa kang mangmang o walang pinag-aralan.

 

 

PANGUNAHING TAUHAN:

 

Simon – Maaring idolo ng karakter na ito ang pambansang bayani, si Dr. Jose Rizal, sapagkat tulad nito ay kakikitaan din siya ng pagmamahal sa sariling bayan. Pinatotoo niya ang kasabihang “ Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan “ . Sinuman ay magugustuhan ang kanyang karakter sapagkat ito ay masigasig. Naging mayaman ito dahil na rin sa pagtitiyaga at pagpupursige. Ang kanyang karakter ay isang magandang modelo sa mga kabataang tulad ko. Sa kabila ng magaganda niyang katangian ay kakikitaan mo rin siya ng poot. Kinikimkim niya ang sama ng loob at ninais lang na makapaghiganti.

 

Duardo – interesante ang karakter niya. Siya ang nagustuhan ko sa nobela. Sa simula ay kakikitaan ito ng kahinaan ng loob, tahimik, at minsang napagkamalang duwag subalit ang totoo’y nasa loob ang kulo ng karakter na ito. Sa tingin ko’y hindi mahalaga rito ang kanyang sarili kundi ang ibang tao, lalo na’t sariling kadugo nito. Totoong kapatid ang turing nito sa kaibigan. Gayunpaman ay hindi ko gusto ang takbo ng utak nito sa pagdedesisyon. Tumigil ito sa pag-aaral at mas pinili ang pagbubukid. Naniniwala kasi ito na si Simon at Ador lamang, at hindi siya, ang pag-asa sa kanilang nayon. Inilagay din nito sa kanyang kamay ang batas sa paniniwalang hindi aayon sa kanya ang hustisya. Ito ang naging dahilan ng kanyang kamatayan.

 

Ador – Masasabing kabaliktaran ito ng karakter ni Duardo. Siya ang pinaka ayaw ko. Sa simula ay punum puno ito ng pag-asa. Nagsilbi ito sa kanilang nayon sa paniniwalang matutulungan niya ang karamihan, subalit siya’y nabigo. Nalugmok ito at nawalan ng pag-asa. Madali itong sumusuko. Subalit nanumbalik ang kanyang determinasyon dahil kay Simon. Sa magkakaibigan ay siya lamang ang natirang buhay sa nobela.

 

 

REKOMENDASYON:

Nagwakas ang nobela sa pagkamatay ng pangunahing tauhan, si Simon. Bakit kailangan niyang mamatay? Napakalungkot ng katapusan nito. Marami ang nagnanais ng masayang katapusan o Happy Ending. Ang nobela nama’y hindi isang piksyon o makatutuhanang pangyayari. Alam naman nating sa totoong buhay ay wala namang masayang katapusan o Happy Ending.

 

Sa umpisa pa lamang ng nobela (unang bahagi) ay inilantad na ang magandang karakter ni Elena Regente., ang kapareha ni Simon. Mahal nila ang isa’t isa subalit hadlang ang tadhana. Langit si Elena at Lupa si Simon. Mayaman si Elena at Magbubukid lamang si Simon. Ikinasal si Elena kay Alejandro Borja, ang kaaway ni Simon. Bakit kaya inilantad si Elena kung hindi rin lamang sila magkakatuluyan ni Simon? Marahil kaya ay para lalong mapoot si Simon sa mga Borja?

 

Mahaba ang introduksyon ng awtor sa umpisa. Makulay ang deskripsyon sa setting at sa mga magulang ni Simon. Bagamat naging mahaba ito’y kasalungat naman ang pagwawakas. Hindi nito nabigyan ng malawakang pagpapahayag ang katapusan ng kuwento. Nang mapatay si Simon ay madaling tinapos ng awtor ang nobela. Hindi man lamang nito binaggit kung ano ang mga kasunod na pangyayari. Maraming katanungan sa aking isipan na hindi nito nasagot. Naging matagumpay ang binalak ni Simon na pagpapaunlad ng kanyang bayan? Anong nangyari sa mga Borja? Kay Elena? Marahil nais ng awtor na ang mambabasa na mismo ang siyang humusga kung ano sa kanilang pananaw ang maaaring maging katapusan ng kuwento.

 

Ang pagiging maligoy ng nobela ay nagbigay sa akin ng pagkayamot. Marami akong ninais na huwag basahin. Iyon bang walang katuturan at parang wala naman itong kahalagahan sa nobela. Sa aking palagay ay paraan iyon ng awtor upang humaba ang kanyang nobela. Ang kabataan ngayon, tulad ko, ay tamad ng magbasa lalo pa’t mahahaba ang babasahin. Pero maaaring nais lamang ng awtor na maging malawak at malikot ang imahinasyon ng kanyang mambabasa. Nais lamang nito na magkaroon ng ideya ang mambabasa sa isang particular na bagay na tinutukoy nito.

 

Ang titulong “Dugo sa Bukang-Liwayway”, saan kaya ito tumutukoy? Gabi naman ng mapatay si Simon at hinintay lamang ng mga kanayon nito ang pagbubukang-liwayway. Hindi ko maiugnay ang titulo sa aking nabasa. Marahil ay mas interesante kasi itong pakinggan, o hindi kaya’y may malalim itong kahulugan na hindi lamang maabot ng mga ordinaryong kagaya ko.

 

 

ARAL:

 

Edukasyon ang binibigyang diin sa nobela. Mahalaga ang edukasyon at ito lamang ang tanging pamana ng mga magulang na hindi mananakaw ninuman. Subalit sa bansa ay laganap ang kahirapan, ito ang dahilan kung kaya’t marami ang hindi nakapag aral lalung lalo na sa mga magsasaka.

 

 

KARAGDAGAN:

 

Ang pinaka ayaw kong tagpo ay ang pagkamatay ni Simon. Para sa akin ay nasayang ang lahat ng kanyang pinaghirapan. Sa huli’y siya pa rin pala ang matatalo. Sana’y hinaluan ng awtor ng kaunting aksyon upang mas lalong maging kapanapanabik ang bawat bahagi nito.

 

Ang bagay sa nobelang ito na hinding hindi ko malilimutan ay ang ginintuang aral nitong iniwan sa ‘king puso’t isipan na habang buhay kong dadalhin hanggang sa aking pagtanda.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Ipinasa ni:

 

Cession, Miguel S.

B.S. 1

 

 

 

 

 

Ipinasa kay:

 

Bb. …

Guro sa Filipino 2